Official Website of Aparri Polytechnic Institute
CAUAYAN CITY – Naglabas ng memorandum ang TESDA Region 2 kaugnay sa mask production ng kanilang mga paaralan dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA Region 2, sinabi niya na nang malaman niyang patuloy na nadadagdagan ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay sinabihan niya ang mga paaralan ng TESDA sa rehiyon na pagtahiin na ng face mask ang kanilang mga estudyante.
Aniya, magpapatahi sila ng 9,000 piraso at bawat paaralan ay may 2,000 quota subalit madadagdagan pa ito depende sa magiging sitwasyon.
Ang mga tatahiin aniyang face mask ay puwedeng labhan para magtagal.
Tinig ni Acting Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA Region 2.
Ayon kay Anduyan, itatago muna sa mga paaralan ang mga matatahing face mask at maglalabas lamang sila kung may mga LGU’s na mangailangan o di kaya ay ipapadala nila sa kalakhang Maynila.
Bukod sa pagpapatahi ng face mask ay nakasaad din sa inilabas na memorandum ng kanilang tanggapan ang mandatory na pag-sanitize bago pumasok sa mga opisina o paaralan gayundin ang iwasan munang makipagkamay o pakikipagbeso-beso, magkaroon ng kaukulang distansya sa pakikitungo sa kanilang mga kliyente, at lahat ng kanilang staff ay mabibigyan ng face mask at alcohol bilang preventive measures.